P3-B buwis nakolekta sa SBMA

SUBIC BAY FREEPORT – Lalong naka-ungos ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakasadsad nito dahil sa krisis-pulitika, makaraang makapangalap ng buwis ang Bureau of Customs-Port of Subic at Bureau of Internal Revenue (BIR) ng may P3 bilyon sa kaban ng gobyerno na puntirya sa pagtatapos ng 2005.

Sa collection target report na isinumite nina Customs Assessment Division Chief Atty. Carlito Pascua at BIR-Subic Regional District Officer Edgar Tolentino kay BIR Commissioner Jose Marie Bunag, nakakolekta ang BoC-Subic ng may P2 bilyong buwis mula sa tariff and duties ng mga imported goods simula noong Enero hanggang Oktubre 2005

Nalampasan ang koleksyon ng buwis noong 2004 na nakakolekta lamang ng P1.9-B, subalit ayon kay Pascua, magiging mas mataas pa ang kanilang makukuhang buwis dahil sa inaasahang pagdating ng mga imported goods at bulk materials ngayong Kapaskuhan at sa masigasig na pagbabayad ng multi-milyong taxes ng ilang mga oil companies sa Freeport.

Malaki rin ang naiambag sa koleksyon na ipinapasok na buwis ng Enforcement and Security Service-Customs-Police District (ESS-CPD) sa pamumuno ni ESS District Commander Capt. Ramon Policarpio dahil sa sunud-sunod na pagkakalambat ng mga ipinupuslit na mga luxury vehicles.

Sa nakuhang koleksyon naman ng BIR, sinabi ni Tolentino na nakapagtala ang kanilang tanggapan ng may P780-milyon mula sa ibinabayad ng may 60, 000 SBMA workers at mga imbestor simula ng Enero hanggang Oktubre 2005. (Jeff Tombado)

Show comments