Binata nagnakaw ng bigas, dinedo

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Naging mitsa ng kamatayan ng isang 16 anyos na binata ang pagnanakaw nito ng bigas matapos barilin ng isang negosyante ng maaktuhang pasan ang isang sako ng bigas sa Brgy. Bantongan, Mandaon, Masbate kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Jay Mar Ratanan, walang hanapbuhay at residente ng Brgy. Cabasan, Aroroy ng lalawigan.

Samantala ang nakabaril naman ay kinilalang si Edmundo Magbanua 33, may-asawa, isang negosyante at residente ng naturang lugar.

Bandang alas-8 ng gabi habang ang binata ay papalabas na sana sa tindahan ng suspek pasan ang isang sako ng bigas na ninakaw nito ng maaktuhan ni Magbanua na agad na hinagip ang kaniyang shotgun at binaril ang magnanakaw.

Sa kasalukuyan isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad sa kasong ito. (Ed Casulla)

Show comments