CAMARINES NORTE Binaril at napatay ang isang 43-anyos na barangay chairman ng nag-iisang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nakaupo sa pag-aaring motorsiklo sa Barangay Cabanbanan sa bayan ng San Vicente, Camarines Norte, kahapon ng umaga. Nasapol sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Andres Baldesoto ng Purok 3 ng nabanggit na barangay. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, kausap ng biktima ang isang barangay kagawad, dakong alas-8 ng umaga nang lapitan ng hindi kilalang lalaki at paputukan ng baril sa ulo. Napag-alamang dating rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang biktima at nagbalik-loob sa pamahalaan noong 1986. Naniniwala naman ang asawa ng biktima na nasa likod ng krimen ang ilang militar na hindi naniniwala na nagbalik-loob sa gobyerno si Baldesoto.
(Francis Elevado) 2 Pulis Kritikal Sa Road Mishap |
QUEZON Dalawang kagawad ng pulisya ang nasa kritikal na kalagayan makaraang masalpok ng van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng national highway na sakop ng Sitio Kiluluron, Barangay Poblacion 1 sa bayan ng Real, Quezon, kamakalawa ng hapon. Unang isinugod sa Claro M. Recto District Hospital bago inilipat sa isang pagamutan sa Metro Manila ang mga biktimang sina PO2 Michael Tapado at PO2 Ruel Eyatid. Nakapiit naman sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Real, ang drayber ng van na si Edwin Barriento ng Makati City matapos ang sakuna na naganap dakong alas-6 ng gabi, ayon sa ulat ni SPO2 Ricardo Aguilar.
(Tony Sandoval) Ika-15 Most Wanted Nadakma |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang ika-15 most wanted person na pinaniniwalaang nagtago ng labintatlong taon sa isinagawang operasyon sa Barangay Sandoval Narra, Palawan, kamakalawa ng madaling-araw. May patong na P14,000 ang akusadong si Isagani Abanes ng Barangay Del Rosario, Camarines Norte dahil sa kasong pagpatay kay Edgardo Alemania noong 1992. Ayon kay P/Chief Supt. Victor Boco, provincial director, ang pagkakadakip kay Abanes ay bunsod ng warrant of arrest na inisyu ng Mercedez Municipal Trial Court sa Camarines Norte. Napag-alamang nagtago ang akusado sa bahay ng kanyang pinsan sa Palawan hanggang sa masakote. (Ed Casulla)