Pamilya niratrat,ina sugatan

GEN. TRIAS, Cavite Isang pamilya ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang natutulog sa kanilang bahay sa bayang ito na nagresulta ng pagkakasugat ng ina ng tahanan nito sa nasabing lugar kamakalawa.

Kinilala ni Chief Inspector Conrado Gongon, police chief, ang mga biktimang sina Leoncio Tulfo, 31, asawang si Leony, 31-anyos, caretaker ng lupain ng pamilya Tantuco at anak na si Ely, 9, nakatira sa Tantuco Sitio de Fuego, Barangay San Francisco ng nasabing bayan.

Ayon sa report, bandang alas-3 ng madaling-araw habang mahimbing na natutulog ang mag-anak nang bigla na lamang paulanan ng bala ng matataas na kalibre ng baril ang kanilang bahay na tumagos sa kahoy na dingding ng mga ito.

Agaw-buhay kaagad si Leony nang tamaan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang sinasaklolohan ng kanyang mga kapitbahay matapos magsitakas ang mga suspek.

Bagaman may ideya na kung sino ang mga suspek, pansamantalang hindi pa ito tinukoy ng mga pulis ngunit may teorya silang may kinalaman sa lupang kanilang inaalagaan ang ugat ng nangyaring pamamaril. (Arnell Ozaeta/Lolit Yamsuan)

Show comments