Lider ng holdap gang itinumba

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Hindi na nakaporma kay kamatayan ang isang lalaki na pinaniniwalaang lider ng holdap gang makaraang pagbabarilin ng isa sa kasapi ng vigilante sa Barangay Daraga sa bayan ng Placer, Masbate kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Edgar Ceniza, alyas "Gaga" at itinuturing na pinuno ng Ceniza Gang na kumikilos sa ilang bayan sa Masbate.

Sa ulat ng pulisya, naitala ang insidente dakong alas-5:40 ng hapon habang ang biktima ay nakaupo sa silya sa labas ng kanyang bahay.

Napag-alamang biglang lumapit ang isang hindi kilalang lalaki at sunud-sunod na pinaputukan ng baril ang nagpapahingang biktima na nakaupo.

Nabatid na armado rin ang biktima, subalit hindi na pinaporma ng killer na makabunot ng baril at tinuluyang paslangin.

Si Ceniza ay nasa talaan ng pulisya bilang most wanted na lider ng holdap gang na sangkot sa serye ng holdapan at nakawan sa nabanggit na lalawigan.

Pinaniniwalaan namang gaganti ang mga kasapi ng Ceniza Gang sa ginawang pamamaslang ng kanilang lider, kaya pinag-ibayo ng pulisya ang pagmamanman sa mga posibleng puntirya ng nasabing grupo. (Ed Casulla)

Show comments