Sa inisyal na ulat ni P/Supt. Honorio Cervantes, hepe ng pulisya sa Cagayan de Oro City, ang insidente ay naganap dakong alas- 9 ng umaga.
Kinilala ang mga napaslang na biktimang sina P/Supt. Lorenzo Vicente, hepe ng Aviation Security Group sa Lumba Airport at ang deputy nito na si Major Hadji Ali na kapwa duguang bumulagta matapos na bistayin ng bala ng baril na 9mm.
Samantala, binabantayan naman sa ospital ang suspek na si PO1 Cenon "Bunso" Madrial Jr. na pinaniniwalaang nagalit at sugatan matapos na mabaril ng napaslang na opisyal.
Napag-alamang bago maganap ang krimen ay nakipagtalo pa ang suspek sa dalawang opisyal na sina Vicente at Ali.
Nabatid na bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang dalawa nitong opisyal na duguang bumulagta sa insidente.
Ayon kay Cervantes, nag-ugat ang pag-aamok ng suspek matapos na sibakin ito sa puwesto nang ipalipat ng kaniyang mga superior sa Butuan City Airport.
Dahil sa ginawang reshuffle sa suspek ay iprinotesta nito at sobrang ikinasama ng loob laban sa dalawang nabanggit na opisyal hanggang sa maganap ang komprontasyon at mauwi sa pamamaslang. (Joy Cantos)