Obrero grinipuhan ng kabaro
September 21, 2005 | 12:00am
CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite Pinaniniwalaang away-trabaho kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 26-anyos na obrero ng kanyang kabaro makaraang magtalo ang dalawa sa bahaging sakop ng Barangay Molino 2, sa bayan ng Bacoor, Cavite kahapon ng umaga. Pitong sugat ng patalim ang tumapos sa buhay ng biktimang si Joel Buctuan, tubong Pilar, Bohol at residente ng Samata Golden Acres sa Talon 5, Las Piñas City. Kasalukuyan namang naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Arnel Boco, 26, tubong Lorente, Eastern Samar, stay-in worker at kapwa trabahador ng Shell Craft ng nasabing barangay. Lumitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Dante Ordono, dakong alas-8:45 ng umaga nang magtalo ang dalawa sa kanilang trabaho hanggang sa maganap ang pamamaslang. (Cristina Timbang)
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Natagpuan ng mga tauhan ng Municipal Emergency Rescue and Intervention Team (MERIT) ang bangkay ng mag-ama sa loob ng Kalabidongan Cave, Barangay Kalabidong sa bayan ng Camalig, Albay kamakalawa ng hapon. Ang mag-ama na pinaniniwalaang may apat na araw ng nawawala simula pa noong Biyernes, Setyembre 16 ay nakilalang sina Efren Napili, 38 at Jeffrey Napili, 18, binata. Sa ulat ni Dr. Manuel Realuyo, team leader ng MERIT na ang bangkay ng mag-ama na naagnas na ay natagpuan dakong alas-3 ng hapon na posibleng hindi nakalabas sa kuweba habang nangingisda at dahil sa tumaas ang tubig ay tuluyang nalunod. Ang pagkawala ng mga biktima ay iniulat sa himpilan ng pulisya at kaagad naman nagsagawa ng operasyon. (Ed Casulla)
CAMP CRAME Isang 21-anyos na dating security guard na pinaniniwalaang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang napaslang sa shootout matapos makasagupa ang mga operatiba ng pulisya sa Davao City, kamakalawa ng madaling-araw. Dalawang bala ng baril sa dibdib ang tumapos sa buhay ni Augustus Aguilon na may record sa pulisya na isinasangkot sa serye ng holdapan sa tatlong convenience store sa Talomo District sa Davao City. Napag-alaman sa ulat ng pulisya na namataan ng mga awtoridad ang suspek na umaaligid sa isa na namang convenience store sa kahabaan ng KM5 sa Matlia Pangi, Davao City. Agad namang nilapitan ng mga tauhan ng pulisya ang suspek upang sitahin, subalit agad itong nagpaputok na nauwi sa shootout. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest