Mag-utol itinumba ng konsehal

CAVITE – Maagang kinalawit ni kamatayan ang mag-utol na lalaki makaraang bistayin ng bala ng baril ng isang barangay councilor sa bahagi ng Barangay Cabulusan sa bayan ng General Aguinaldo, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Kapwa napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Romeo Perdon, 46, biyudo, at Jaime, 50, may asawa, kapwa drayber at naninirahan sa nabanggit na barangay.

Kasalukuyan namang tugis ng mga tauhan ng pulisya ang suspek na si Esperedion Bencito na ka-barangay ng mag-utol na Perdon.

Ayon kay PO2 Soriano Samson, bago maganap ang krimen ay nagkainitan ang suspek at biktimang si Romeo sa loob ng isang videoke bar sa nasabing bayan.

Napag-alamang kapwa mainit sa komprontasyon ang dalawa, subalit naawat naman ng ilang kalalakihang na nasa loob ng nabanggit na lugar.

Bandang alas-6 ng gabi nang muling magpanagpo ang dalawa sa bahaging sakop ng Barangay Cabulusan malapit sa bahay ng pamilya Perdon.

Ayon pa sa ulat, namataan ni Jaime ang dalawa na nasa aktong nagbabangayan kaya lumapit ito upang mamagitan, subalit agad siyang pinaputukan ng baril bago isinunod si Romeo na kapwa duguang bumulagta. (Ulat ni Lolit Yamsuan)

Show comments