Mag-ina kinarne ng sariling asawa

LEGAZPI CITY – Isang 50-anyos na misis ang kumpirmadong binawian ng buhay, habang sugatan naman ang anak nitong babae makaraang pagtatagain ng sariling asawa habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bell, bayan ng Magarao, Camarines Sur, kahapon ng umaga.

Hindi na nagising sa pagkakatulog ang biktimang si Margie Banday, samantala, ginagamot naman sa Bicol Medical Center dahil sa kritikal na kalagayan ang anak na dalaga na si Angelica Banday, 13.

Naghihimas ng rehas na bakal matapos na madakip ang suspek na si Manuel Banday, 57, na ayon sa pulisya ay wala sa katinuan ng pag-iisip.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naitala ang krimen sa pagitan ng alasingko y medya hanggang ala-sais ng umaga matapos na dumating ang suspek sa kanilang bahay.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang pinasok ng suspek ang kinaroroonan ng mag-inang natutulog saka isinagawa ang krimen.

Napag-alamang nakahulagpos sa kamay ng suspek ang dalagitang anak kahit ito ay sugatan kaya naipagbigay-alam sa kinauukulan ang insidente.

Napag-alamang bago isagawa ng suspek ang krimen ay naulinigan ng mga kapitbahay na nagkakasigawan ang mag-asawa hanggang sa umalis sa bahay ang lalaki na pinaniniwalaang may matinding problema sa pamilya. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments