Gobernador sinuspinde ng Ombudsman

Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan si Cavite Governor Erineo "Ayong" Maliksi matapos na isangkot sa maanomalyang transaksyon ng saku-sakong bigas na nagkakahalaga ng P7.5 milyon noong Oktubre 2004.

Sa ipinalabas na resolusyon ni Victor Fernandez, deputy Ombudsman for Luzon, ang suspension ay kasabay ng kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang batas na nagsimula kahapon at pansamantalang hahalili si Vice Governor Johnvic Remulla bilang acting governor.

Base sa record ng Ombudsman, nakipag-ugnayan si Gov. Maliksi para makabili ng saku-sakong bigas sa Capitol City Marketing sa Trece Martirez City sa halip na sa National Food Authority.

Ang nasabing transaksyon ay maanomalya batay sa reklamong inihain ni Vice Gov. Johnvic Remulla sa opisina ng Ombudsman noong Hulyo 29, 2005.

Subalit ang nasabing akusasyon ay itinanggi ni Gov. Maliksi sa pagsasabing walang naganap na anomalya dahil naipamahagi ang saku-sakong bigas noong Disyembre 2004 sa pangunguna ng mga barangay captain.

"Hindi makatarungan ang ginawa ng Ombudsman dahil napakabilis ng 17-araw para ipalabas ang suspension laban sa akin," pahayag ni Maliksi.

Iginiit pa ni Maliksi na maituturing na grave abuse of authority ang ginawa ng Ombudsman dahil mas nauna pang nakakuha ng kopya ang bise gobernador kaysa sa gobernador.

Napag-alamang hindi na binigyan ng Ombudsman ng pagkakataon na makapagsumite ng counter-affidavit ang gobernador bago ipalabas ang suspension. (Ulat nina Doris Franche, Cristina Timbang at Lolit Yamsuan)

Show comments