CAVITE Binaril at napatay ang isang 52-anyos na kasapi ng Bantay-bayan ng isang nakaalitang ka-barangay ng biktima sa bisinidad ng Barangay Aguado sa Trece Martirez City, Cavite kamakalawa ng gabi. Naglalakad sa nabanggit na barangay mula sa Sitio Pag-asa 2 ang biktimang si Mariano Baltazar nang harangin at paputukan ng baril ng suspek na si Randy "Pipoy" Nueva, ayon sa ulat ni PO1 Manny Candare. Posibleng may matinding galit ang suspek sa biktima kaya isinagawa ang pamamaslang.
(Ulat ni Cristina Timbang) LEGAZPI CITY Isang 43-anyos na mister ang nasawi na ikinasugat ng malubha ng anak nito makaraang masalpok ng trak ang sinasakyang motorsiklo ng mag-ama sa kahabaang bahagi ng Barangay Tuburan, Ligao City kahapon ng umaga. Ang biktimang si Benito Marbella ay halos mayupi ang katawan, samantalang ginagamot naman sa Josefina Belmonte Duran District Hospital ang anak na si Methosela Marbella, 20, na kapwa residente ng Barangay Cullat sa bayan ng Daraga, Albay. Naka-impound sa himpilan ng pulisya ang trak (XEK-549) na minamaneho ni Salvador Atagante ng Barangay Batang Ligao City, samantalang wasak ang motosiklong Honda XRM na may plakang EK-9588. Napag-alamang nag-ovetake ang trak sa naunang sasakyan, subalit hindi nito napuna na kasalubong ang motorsiklo ng mag-ama kaya naganap ang sakuna.
(Ulat ni Ed Casulla) Sekyu sa minahan tinodas, 3 pa grabe |
CAMARINES NORTE Isang security guard sa minahan ng ginto ang iniulat na nasawi, habang tatlong minero ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng mga maskaradong kalalakihan sa Barangay Malaguit, Paracale, Camarines Norte, kamakalawa ng gabi. Hindi na naisugod pa sa ospital ang biktimang si Elmer Magana, samantalang ginagamot naman sa Camarines Provincial Hospital sina Raymundo Dedia, 34; Renato Antintar, 52; at Manuel Porcincula, 54 na pawang naninirahan sa nabanggit na barangay. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga armadong kalalakihan ang bakuran na pag-aari ni Felix Ratilla kung saan nagmimina ng ginto ang mga biktima. Hindi na nakaporma ang guwardiyang si Magana dahil naunahan itong paputukan at maging ang tatlong minero ay idinamay, subalit hindi napuruhan. Napag-alamang bago tumakas ang mga armadong kalalakihan ay tinangay pa ang tatlong kilong ginto na pag-aari ni Ratilla.
(Ulat ni Francis Elevado)