5 patay sa vehicular accident

Legazpi City – Lima katao kabilang ang apat na miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang tatlo pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang magbanggaan ang isang pampasaherong bus at kasalubong nitong jeepney sa bayan ng Camalig, Albay kahapon ng umaga.

Ang mga nasawi ay ang mag-asawang, Melchor Binasa 41, Mary Ann Binasa 37, mga anak na sina Peter 7, Bernadette, 9 at ang ’di pa nakilalang driver ng jeepney.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ang mga nasugatang sina Joemarie Binasa 3, Jobellie Binasa 5 at Martin Binasa 12, pawang mga residente ng Camalig, Albay.

Batay sa ulat, ang aksidente ay naganap dakong alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Libod, Camalig, Albay.

Nabatid na ang pamilya ng mga biktima ay lulan ng isang pampasaherong jeep na patungo sa bayan ng Guinobatan upang magsimba ng mabangga ng isang humahagibis na Executive Carrier bus na galing pa sa Metro Manila at papunta sa Legazpi City.

Lumilitaw naman sa pangunang imbestigasyon na inaantok na ang driver ng bus sa magdamag na pagbiyahe na nagbunsod sa sakuna.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at multiple serious physical injuries ang driver ng bus na nakakulong na sa detention cell ng Camalig Municipal Police Station (MPS).

Show comments