Mag-ina tinodas ng NBI agent

LEGAZPI CITY — Pinagbabaril hanggang sa mapaslang ang mag-inang nanonood ng telebisyon sa sariling bahay ng isang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na ikinasugat din ng isa pa matapos tamaan ng ligaw na bala ng baril, kamakalawa ng gabi sa Barangay 31st Baybay sa Legazpi City.

Duguang bumulagta ang mag-inang Jennette, 43 at John Ray Cedeño, 17, College student, habang ginagamot naman sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang sugatang si Noel Ramirez, 36 na naglalaro lamang ng baraha sa loob ng bahay ng mag-inang biktima.

Kasalukuyan namang naghihimas ng rehas na bakal ang nadakip na suspek na si Alfredo Romano, 33, may asawa, isang agent ng NBI na nakatalaga sa Legazpi City at naninirahan sa Our Lady’s Village, Barangay Pangpang, Sorsogon City.

Tugis naman ng pulisya ang isa pang suspek na si Ramon Granadillos na dating nakulong sa kasong may kinalaman sa bawal na gamot at pinaniniwalaang asset ng NBI.

Sa ulat na nakalap kay P/Supt. Narciso Guarin, hepe ng pulisya, dakong alas-otso ng gabi nang pumasok sa bahay ng mag-ina ang mga suspek at hinahanap ang asawa ni Jennette na si Alejandro Cedeño.

Nang hindi maituro ng mag-ina ang kinaroroonan ni Alejandro ay sunud-sunod na pinaputukan ng suspek ang mga biktima hanggang sa bumulagta.

Napag-alamang may ilang araw ng hindi pumapasok sa opisina ng special investigation unit ng NBI ang suspek at maging ang ilan sa mga kasamahan nito ay inirereklamo na rin ang naturang suspek dahil sa hindi na maganda ang ipinapakita nitong mga kilos sa mga nagdaan buwan.

Hindi pa mabatid ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng suspek upang paslangin ang mag-inang matapos na mabigong makita ang pakay. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments