Apat na tama ng bala ng baril sa likurang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Randy Abdon ng Barangay Camantiles at kawani ng lokal na pamahalaan na nakatalaga sa City Engineers Office sa Urdaneta City.
Ayon kay P/Supt. Johnny Bacbac, hepe ng pulisya sa Urdaneta City, sakay ng motorsiklo si Abdon nang tambangan ng hindi kilalang lalaki na sakay din ng motorsiklo.
Nawalan ng kontrol ang biktima habang nagmomotorsiklo kaya bumaligtad bago nahulog sa irrigation canal sa kanang bahagi ng kalsada.
Ilang magsasaka na malapit sa pinangyarihan ng krimen ang agad na rumesponde matapos na marinig ang sunud-sunod na putok ng baril.
Ayon pa sa ulat, may ilang minutong pinaghahanap ng mga magsasaka ang katawan ng biktima sa malalim na kanal bago matagpuan at isinugod sa Don Amadeo Perez Hospital, subalit idineklarang patay.
Sinisilip ng mga beteranong imbestigador ng pulisya ang anggulong paghihiganti dahil sa may nakabinbing kasong physical injuries ang biktima sa Urdaneta City Regional Trial Court noong nakalipas na taon at ang anggulong alitan sa lupa. (Ulat ni Eva Visperas)