Drayber natodas sa gasolinahan

CAVITE – Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang kinalawit ni kamatayan ang isang 42-anyos na drayber makaraang pumutok ang baril na inihataw ng may-ari ng gasolinahan sa kanyang tauhan at tumama ang bala sa biktima habang nagpapagasolina sa Barangay Paliparan 1, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng umaga.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Metro South Medical Center ang biktimang si Zaldino Encado ng Pinton Gubat, Paliparan 3, ng nabanggit na bayan. Agad naman sumuko sa pulisya ang may-ari ng Jetti Gasoline Station na si Eprelito Bautista, 43, ng nasabing lugar. Ayon kay PO3 Valero Bueno, hindi inakala ni Bautista na puputok ang baril na ipinanghataw niya sa kanyang tauhan na inakusahan niyang nagnakaw na nagresulta upang tamaan ang biktima at mamatay. (Ulat nina Cristina Timbang at Lolit Yamsuan)

Show comments