Misis kinatay ng asawa

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya — Pinagtataga hanggang sa mapaslang ang isang 28-anyos na misis ng sariling asawa sa harap mismo ng kanilang anak at ina makaraang tumangging magbigay ng pang-toma ang biktima kamakalawa ng umaga sa bahagi ng Barangay Vista Hills sa bayang ito.

Naisugod pa sa ospital, subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Daisy Puguaon, samantala, ang suspek na nagtangkang magpakamatay at ngayon ay ginagamot sa Veterans Regional Hospital ay nakilalang si Joel Puguaon, 26, kapwa naninirahan sa Purok 7, Sitio Kakilingan ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Dionicio Dennis De Guzman, hepe ng Bayongbong police kay P/Senior Supt. Robert Mangaccat, police provincial director, bandang alas-otso ng umaga nang mamataang naglilinis ng bukirin ang biktima, kasama ang anak at ina.

Lumitaw sa imbestigasyon ni PO3 Zaldy Magno na biglang dumating ang suspek at pilit na humihingi ng perang pang-inom ng alak sa biktima.

Tumanggi ang biktima kung kaya’t nagkaroon nang pagtatalo hanggang sa pagtatagain ng suspek ang kanyang asawa sa harapan mismo ng kanyang anak at biyenan.

Matapos ang insidente ay tinangka ng suspek na magpakamatay gamit ang isa pang patalim nang matauhan sa ginawa sa asawa, subalit hindi ito napuruhan kung kaya’t agad na dinala ng mga nagrespondeng pulisya sa pagamutan. (Ulat ni Victor Martin)

Show comments