Ang nasabing dalawang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas at labinlima pa ay isinasangkot sa pagpatay kay Arturo Colobong, barangay captain ng Balaoc, Sto. Tomas. Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, ang krimen ay naganap sa pagitan ng alas-4 hanggang alas-singko ng hapon habang ang biktima ay nag-aayos ng lambat sa kanyang palaisdaan.
Napag-alaman pa sa mga testigo na ang biktima ay nakaluhod sa harapan ng mga armadong kalalakihan at nagmamakaawa, subalit isa sa mga suspek ang bumaril sa dibdib ni Colobong na ikinasawi kaagad nito. Nabatid na si Ramirez ay suspek din sa tangkang pagpatay sa dating municipal councilor at Bayan Muna lider sa bayan ng Aringay na si Atty. Charlie Cirilito Juloya. Kamakailan lamang ay nadakma si Ramirez sa loob ng opisina ng alkalde, subalit nakalaya matapos na magpiyansa.
Sa nakalap na dokumento, noong Hunyo 28, 2005, nagpalabas na ng order si Nestor Tolentino, acting provincial prosecutor na tinanggihan ang isinumiteng urgent motion ng mga akusado, bagkus pag-aaralan kung may probable cause ang nasabing kaso. (Ulat ni Vic Alhambra Jr.)