Habang binabasa ang hatol ng korte sa maliit na sa sala ni Judge Leo Prinsipe na pawang guwardiyado ng tropa ng militar at pulisya ang paligid ng gusali ay nag-iyakan ang mga kamag-anakan ng anim sa pitong akusado
Sa ipinalabas na hatol ni Judge Leo Prinsipe ng Isabela Regional Trial Court, pinatawan ng parusang kamatayan ang mga akusadong sina Ibrahim Bowak; Muddas Sabinul; Abdulla Uwa; Daud Indaling; Etang Awal; Jimmy Teng at Janital Wahid na pawang miyembro ng kilabot na grupong Abu Sayyaf.
Si Etang Awal, ay hinatulan ng in absentia dahil ito ay nakalalaya.
Sa rekord ng korte, lumilitaw na sinalakay ng grupo ng mga akusado ang plantasyong sakop ng nabanggit na bayan malapit sa bayan ng Lamitan noong Agosto 2001.
Nagpanggap ang mga akusado na kawal ng AFP saka dinukot ang grupo ng magsasaka kabilang na ang siyam na pinugutan at ang isa ay binaril at napatay.
May ilang linggo ang nakalipas at nadakip ang mga akusado sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ni Major General Hermogenes Esperon, commander ng Armys Special Operation Command sa Basilan.
"Justice is now served and let this be a warning to all that crime does not pay," pahayag ni Major General Hermogenes Esperon, opisyal ng militar noong naganap ang insidente.
Pinapurihan naman ng mga opisyal ng militar ang ipinataw na bitay sa mga akusado habang awtomatikong isusumite sa Supreme Court ang hatol na bitay ng korte upang rebisahin. (Ulat ng AFP)