Ang mga nasawi ay nakilalang sina Leodegario Caintoy Sr., driver ng owner-type jeepney na may plakang EKM - 648; asawa nitong si Norma, mga anak na sina Leodegario Jr., 21 at Leo, 27-anyos habang nakaligtas naman si Lea, 23 matapos itong tumilapon sa behikulo bago pa man mabundol ang kanilang sinasakyan ng kasalubong na St. Jude Transit na may plaka namang EVE-578.
Nabatid na ang mga biktima na halos napisak ang mga katawan sa lakas ng pagkakabangga sa kanilang sinasakyan ay pawang residente ng Brgy. Apolonio, Quezon City.
Nasugatan rin sa insidente ang mag-iinang sina Marlyn Loreña, 30; mga anak na sina Jeremiah, 8 at Michaela, 3-anyos; pawang mga sakay ng bus na isinugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital para malapatan ng lunas.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-6 ng umaga kahapon habang pauwi na ang mga biktima sa Maynila galing sa pagbabakasyon sa kanilang kamag-anak ng salpukin ng bus na iniwasan naman ang kasalubong na jeepney.
Kalaboso naman ang driver ng bus na si Eleanor de la Rosa sa Guinobatan Municipal Police Station (MPS) upang panagutan ang krimen. (Ed Casulla)