Ayon kay Maj. Gen. Romeo P. Tolentino, commanding general ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, nasa listahan ng pinagkukunan ng pondo ng NPA ang jueteng payola, extortion sa mga sabungan, sa quarry operatos, mga pribadong indibidwal, mga may-ari ng palaisdaan at paghingi rin sa mga small to medium scale business entrepreneurs.
Nabatid na nakuha ng militar ang nasabing impormasyon sa mga dokumento, kabilang ang mga personal na sulat ng mga miyembro ng Platun Gerilya (Plager), matapos marekober ng 69th Infantry Battalion at ng intelligence unit ng 7th ID sa kanilang pagsalakay sa mga safehouse ng mga rebelde sa Barangay San Carlos, Mexico, Pampanga nitong nakaraang Hunyo 1, 2005.
Sa naturang mga dokumento, isang hand-written na yellow pad paper na may petsang Enero 28, 2005 ang kanilang nadiskubre na nagsasabing ito ang financial report ng mga rebelde.
Base sa dokumento, tumatanggap ng P4,000 jueteng payola mula sa Sta. Ana, Pampanga ang NPA na kinukuha ng isang alyas "Daryo" tuwing ika-15 at 30, habang P2,400 naman bawat ika-5 at 25 ng buwan ang umanoy nakokolekta ng NPA sa Mexico, Pampanga na kinukubra ng isang alyas "AJ".
Nadiskubre rin na P100 bawat truck umano na magde-deliver ng buhangin at bato ang kinukolekta ng NPA sa isang San Juan Quarry, P10 dito ay napupunta sa checker na may alyas "Marina", habang P45 naman ang napupunta sa Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) bilang hati nito, isang alyas na "Henry" at "Jerry" ang tumatayang collector.
Aabot sa P1,700 kada buwan ang nakukulekta ng isang alyas "Ipe" sa Mexico Cockpit Arena. Umaabot naman sa P60,000 ang nakokolekta taun-taon ng mga rebelde sa mga private individuals, fishpond owners at small to medium scale business entreprneurs. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)