3 katao patay sa adik

CAVITE – Pinaniniwalaang napagtripan ang maaaring motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang tatlong katao ng isang obrero na posibleng lango sa droga sa naganap na karahasan sa Barangay Bahayang Pag-asa, Imus, Cavite kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa pinaslang na biktima ay nakilalang sina: Gilbert G. Bernardo, 33, magsasaka ng Pasong Buwaya I, Imus, Cavite; Erick C. Bordeos, 27, traysikel drayber ng Kapatiran Village sa Barangay Pasong Buwaya 2; at isang nakilala sa pangalang Romeo Quitat.

Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ay agad namang nadakma ang suspek na si Elmer G. Pakingan, 36, empleyado ng malaking kompanya at residente ng Barangay Pasong Buwaya 1, Imus, Cavite.

Sa inisyal na imbestigasyon nina PO2 Mariel Contreras at PO2 Calvin Santos, Lumilitaw na niratrat ng carbine rifle ng suspek si Bernardo habang nakatayo sa gilid ng kanyang kubo, habang ang dalawa pa ay pinagbabaril matapos na makasalubong na naglalakad.

Sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong lango sa droga ang suspek kaya napagtripang pumatay o kaya may matinding galit sa tatlo. (Ulat nina Cristina Timbang at Lolit Yamsuan)

Show comments