Ang nasawing pulis ay kinilala ni Supt. Clifton Empiso, hepe ng Biñan Police na si PO1 Edades Ancheta, nakatalaga sa Communications, Electronics Services (CES) Office ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig, Metro Manila.
Nakilala naman ang mga nasakote na sina Chief Inspector Romeo Campomayor Ngoho, Chaplain sa PNP Headquarters sa Camp Crame, Quezon City; PO3 Robert Eblahan at PO1 Oliver Mana; pawang ng Anti-Transnational Crime Division ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame; PO1 Jay Ilagan ng NCRPOs CES Office. Kabilang pa sa mga nasakote ay ang mga sibilyang sina Fernando Empeño ng Tondo at Joel Yabes ng Pandacan; pawang sa lungsod ng Maynila.
Base sa imbestigasyon, ang shootout sa pagitan ng magkabilang grupo ng mga parak ay nag-ugat sa report na isa umanong grupo ng mga armadong kalalakihan ang nanloob sa limang residente na kinunan pa ng mga ito ng pera at mga alahas matapos na mabigong makasamsam ng fruit game machine sa Sitio Umboy, Brgy. San Antonio dakong alas-3:15 ng hapon.
Ang nasabing grupo ay lulan ng L300 van at isang pampasaherong jeepney ng tugisin ng nagrespondeng elemento ng Biñan, Laguna Police na nauwi sa barilan.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao ang malalimang imbestigasyon sa pagkakasangkot ni Police Chaplain Ngoho at mga kasamahan nitong pulis sa napaulat na hulidap na nagresulta sa shootout.
Inatasan na rin ni Lomibao si Police Director Marcelo Ele Jr. Director for Investigation and Detective Management (DIDM) na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang naturang mga pulis na sangkot sa kaso. (Ulat nina Rene Alviar, Angie dela Cruz at Ed Amoroso)