4 patay sa Lipa masaker

LIPA CITY, Batangas — Tatlo-katao ang iniulat na pinaslang sa saksak ng hindi pa kilalang magnanakaw na napaslang din ng mga rumespondeng pulisya sa naganap na masaker sa Levitown Subdivision, Barangay Maraouy, Lipa City, Batangas kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Sr. Supt. David Quimio, hepe ng Lipa PNP ang mga napatay na sina: Rodolfo Lunar, 65, ex-nurse sa Germany at retiradong kawal ng Phil. Air Force;  live-in partner niyang si Edith Tafalla, 39 at ang katulong na si Sophia Encarnado, 21.

Gayunman, kasalukuyang pang bineberipika ang pangalan ng suspek na naka-bonnet at nakasuot ng fatigue nang pumasok sa bahay ng mga biktima bandang alas-5:30 ng umaga.

Swerte namang nakatakas ang dalawang anak ni Edith na sina Dudith, 10, at Dandith, 17, na siyang nakahingi ng saklolo sa mga awtoridad.

Napatay din ang nag-iisang suspek ng mga nagrespondeng pulis matapos abutan itong nagtatago sa kisame ng bahay ng mga biktima.

Ayon kay Dandith sa panayam ng PSN, nagulat na lang siya ng maalimpungatan nang makita nya ang isang lalaki na nakaupo sa kanilang sala.

Nagmamadali ng ginising ni Dandith ang kanilang katulong upang magsumbong, ngunit nang bumalik, sila sa sala upang usisain ay sumulpot sa madilim na bahagi ng kanilang bahay ang suspek at inundayan na ng saksak ang katulong habang isinunod naman ang mag-asawang natutulog pa sa kanilang master’s bedroom.

Mabilis na hinila ni Dandith ang kanyang kapatid na si Dudith at humingi ng tulong sa mga kapitbahay hanggang sa abutan ng mga pulis ang ’di pa nakikilalang suspek.

Patakas na ang suspek sa kisame na pinaniniwalaang lango sa droga nang mapatay ng mga rumespondeng pulis.

Tinitingnan pa rin ng mga pulis ang ibang anggulo bukod sa pagnanakaw ang maaring motibo sa pamamaslang. (Ulat nina Arnell Ozaeta,Joy Cantos at Ed Amoroso)

Show comments