Isang tama ng bala ng baril ang tumama sa katawan ng biktimang si Alberto Martinez, anchorman ng lokal na radio station na Radyo Natin.
Ang biktima na kilala ring pastor ng simbahang protestante ay radio commentator din ng pang araw-araw na programang "Magandang Gabi Kabacan."
Sa ulat na nakarating kahapon kay PNP Chief Director General Arturo Lumibao, pasado alas-8 ng gabi habang sakay ng motorsiklo ang biktima pauwi nang biglang barilin sa likurang bahagi ng katawan sa bisinidad ng nabanggit na barangay.
Tumilapon sa motorsiklo ang biktima habang mabilis namang tumakas ang gunman sa hindi nabatid na direksyon.
Sa impormasyong nakalap ng pulisya, bago ang pananambang ay ilang beses nang nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima mula sa hindi kilalang lalaki.
Pinaniniwalaan naman ang patuloy na pagbatikos ng biktima sa kanyang programa laban sa mga tiwaling opisyal ng lokal na pamahalaan sa Cotabato ang isa sa motibo ng insidente. (Ulat ni Joy Cantos)