Dalagita ni-rape, pinatay, sinunog at itinapon sa balon

CAMP CRAME – Malagim ang naging kamatayan ng isang 14-anyos na dalagita na pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay at sinunog pa ang bangkay at saka itinapon sa balon ng kanyang stepfather sa San Pablo City, Laguna kamakalawa.

Halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si Apple Joy Caramel nang madiskubre matapos na itapon sa balon ng suspek na kinilalang si Wilfredo Maraña na pakay ngayon ng hot pursuit operations ng pulisya.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga kamakalawa ng matagpuan ang sunog na bangkay ng biktima sa isang balon sa Brgy. San Buenaventura ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na isang testigo ang nagturo sa mga kagawad ng pulisya na nakita nito nang itapon ng suspek ang sunog na labi ng biktima matapos sunugin ang bangkay sa nasabing balon.

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nagpaalam pa ang biktima sa kanyang ina at stepfather na magsi-swimming sa isang resort sa Los Baños, Laguna.

Nakita ng ina na ang biktima ay may isang tama ng saksak sa dibdib, nakabalot sa kumot na ayon sa testigo ay sinunog muna sa koprahan ng suspek bago itinapon sa balon upang itago ang krimen.

Ayon pa sa pahayag ng isang saksi, hindi na umano makuhang makauwi ng biktima sa kanilang tahanan matapos dalhin sa isang tagong lugar at halayin.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa karumal-dumal na krimen. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments