Ambush: Anak ng ex-senador patay

CAMP CRAME – Tinambangan at napaslang ng hindi pa nakikilalang dalawang armadong kalalakihan ang anak ng isang dating Senador sa naganap na karahasan sa lalawigan ng Davao del Sur kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Arthur Almendras, anak ni dating Senador Landring Almendras at half-brother ni dating Congressman Al Almendras.

Batay sa ulat ni P/Supt. Allan Gusihan ng PNP Region 11, nangyari ang ambus dakong alas-11 ng umaga sa Brgy. Simbulan, Sta. Cruz ng nasabing lalawigan.

Nabatid na ang biktima ay lulan ng dyip habang bumabagtas sa national highway sa kahabaan ng Brgy. Zone 11, Sta. Cruz patungo sa Digos City nang tambangan.

Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa kaliwang dibdib na siya nitong agarang ikinasawi.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal .9 mm pistol. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng pagpatay sa biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments