Batay sa ulat na nakarating kahapon sa opisina ng Region-3 public information office, karamihan sa mga biktimang estudyante ay mula sa Day School ng International Broadcasting Bureau at Day Care School ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Matapos ang graduation rites dakong alas-7 ng gabi habang kumakain ng spaghetti at pritong manok ang mga mag-aaral kasama ang mga magulang nito at mga kaibigan nang biglang makaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka, ayon pa sa ulat.
Sa takot na mahalintulad sa sinapit ng 28-mag-aaral sa San Jose Elementary School sa bayan ng Mabini, Bohol na kunain ng cassava ay agad na isinugod ng mga magulang ang mga bata sa Tarlac Provincial hospital at Sto. Domingo Hospital sa San Miguel, Tarlac.
Napag-alaman na isang nagngangalang Nestor Santos na utol ni Barangay Captain Bartolome Santos ang siyang nagluto at nangasiwa sa pagpapakain sa mga estudyante, magulang at bisita sa nasabing okasyon.
Samantalang sa pagsusuri ng Department of Health (DOH), lumalabas na ang dahilan ng pagkalason ng mga biktima ay isang uri ng bacteria na staphylococcus na nakukuha kapag hindi maayos ang pagkakaluto ng pagkain. Nagpadala na rin ang DOH ng isang grupo ng epidemiologists sa Tarlac Provincial hospital upang tumulong sa pagsisiyasat sa naganap na insidente. (Ulat nina Resty Salvador, Joy Cantos at Gemma Amargo-Garcia)