Napuruhan sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rodelio De Leon ng nabanggit na barangay, habang tinutugis naman ang suspek na si Edwardson Sisracon ng Sitio Ulong Sapang 1, Ternate, Cavite at retiradong kagawad ng pulisya. Base sa imbestigasyon ni PO1 Eduardo Gavino, naitala ang insidente dakong alas-9 ng umaga habang bumisita ang biktima sa pag-aaring beach resort.
Nagkataon namang bumisita rin ang suspek sa kalapit na pag-aari ring resort kaya nagkita ang dalawa. Napag-alamang may matagal nang alitan ang dalawang negosyante tungkol sa kanilang pag-aari kaya nagkaroon ng komprontasyon hanggang sa humantong sa sigawan.
Nagkabunutan ng baril ang dalawa, subalit naunahan ang biktima kaya duguang bumulagta saka tumakas ang suspek. (Ulat ni Lolit Yamsuan)