Barangay kagawad, 1 pa pinaslang ng NPA rebels

MALINAO, Albay – Isang opisyal ng barangay at 4 anyos na pamangkin nitong batang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Sua sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Esperidon Barcenas, 52-anyos, may-asawa, incumbent brgy. kagawad at residente ng lugar at binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Cope Hospital sa Tabaco City ang pamangkin nitong si Froilan Malas.

Batay sa report ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-8:45 ng gabi habang kasalukuyang nanonood ng telebisyon ang nasawi kasama ang bata sa kanyang tahanan.

Bigla na lamang umanong sumulpot ang tatlong mga kabataang rebelde na pawang armado ng M-16 at carbine rifle saka pinasok ang kanilang tahanan at pinagbabaril ang nasabing opisyal ng barangay na pinapuruhan sa ulo habang minalas namang madamay sa insidente ang batang biktima.

Ang mga rebelde ay mabilis na nagsitakas matapos na mapatay ang kanilang target patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Naglunsad na ng hot pursuit operations ang mga awtoridad laban sa nagsitakas na mga rebelde. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments