Paslit nabaril sa leeg

SAN PEDRO, Laguna — Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang isang walong taong gulang na batang babae makaraang tamaan sa leeg ng ligaw na bala mula sa nag-aaway na magkaibigan sa Barangay Bagong Silang, San Pedro, Laguna kamakalawa.

Kasalukuyang inaalis ang bala ng homemade shotgun sa leeg ng biktimang si Jeliza Traje, grade 2 pupil ng nabanggit na barangay. Ang biktima ay dinala sa Narra District Hospital, subalit inilipat ng Phil. General Hospital dahil sa kakulangan ng pasilidad.

Nakapiit naman sa municipal jail ang suspek na si Felton Sedillo, 33, matapos na mabaril ang biktima dahil sa makikipag-away sa kapitbahay na si Celestino Baring.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay naglalakad patungo sa tindahan upang bumili ng tinapay nang aksidenteng tamaan ng ligaw na bala ng shotgun.

Hindi naman akalain ng suspek na tatamaan ang biktima dahil ang kalaban ang pinuntirya ng shotgun. Nabatid pa sa ulat ng pulisya, naglalaro ng baraha ang suspek nang sakalin ni Baring hanggang sa magkagulo at nauwi sa pamamaril na ikinasugat ng malubha ng biktima. (Ulat ni Rene Alviar)

Show comments