3 holdaper patay sa shootout

TARLAC CITY — Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng holdapan sa mga gasolinahan sa Central Luzon ang iniulat na nasawi habang apat nilang kasamahan ang nasakote makaraang makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya sa bahaging sakop ng Barangay San Juan de Mata, Tarlac noong Sabado, Oktubre 9, 2004.

Ang mga napaslang na kilalang notoryus na holdaper ng mga gasolinahan ay nakilalang sina: Wahid Tinero, alyas Saddam at residente ng Porac, Pampanga; Antonio Valencia ng Mabalacat, Pampanga at Marlon Nunga ng Barangy Tariji, Tarlac City.

Si Tinero ay dating kawal ng Phil. Army na may ranggong private first class at kilalang chieftain ng organized criminal group, ayon sa Central Luzon PNP regional office.

Ang grupo ni Tinero ay responsable sa serye ng holdapan sa mga liblib na gasolinahan na kulang o walang security guard. Nadakip naman ang dalawa sa kasamahan ni Tinero na sina: Alfredo Manuel, 22; Henry Granadozo na kapwa residente ng Barangay Calayaan, Gerona, Tarlac; samantalang sina Eric Valencia at Bonifacio Nunga ay nasakote sa Pampanga.

Sa imbestigasyon, sakay ng dalawang motorsiklo ang mga suspek nang holdapin nila ang Shell gasoline station sa Sta. Ignacio at dahil sa nai-remit na ang malaking kinita ng gasolinahan ay P5,000 na lamang ang nakuha.

Agad na tumakas ang grupo ni Tinero patungo sa direksyon ng Romulo Highway, subalit mabilis naman naipagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ang insidente.

Mabilis namang naglatag ng checkpoint ang mga tauhan ni P/Supt. Rudy Lacadin, hepe ng pulisya, para maharang ang grupo ng mga holdaper hanggang sa mamataan at makipagbarilan na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong holdaper. (Dagdag na ulat ni Joy Cantos)

Show comments