3 preso itinakas
September 29, 2004 | 12:00am
BULACAN Tatlong preso na kagagaling lang sa court hearing sa Quezon City Regional Trial Court Branch 33 ang itinakas ng tatlong hindi kilalang armadong lalaki na nakipagbarilan sa mga jail guard sa kahabaan ng North Luzon Expressway na sakop ng Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan kahapon. Kabilang sa tatlong preso na itinakas ay nakilalang sina: Aladin Malinao, Nicolas Gonzaga at Jesus Mentes pawang residente ng Brgy. Tiaong. Malubha namang nasugatan sa pakikipagbarilan sina: J01 Ricardo Templado at J01 Lamberto Velario na pawang nakatalaga sa Bulacan Provincial Jail sa Malolos City. Naitala ang insidente dakong alas-3:40 ng hapon makaraang harangin ng mga suspek na sakay ng owner-type jeep ang Mitsubishi L300 van (SFC-672) ng provincial jail sa exit toll ng nabanggit na barangay at matagumpay na naitakas ang mga preso. Tinangay ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang mga baril ng guwardiya partikular ang susi ng posas ng mga preso. Napag-alaman pa sa ulat, na kasapi ng "Martilyo Gang" ang tatlong preso na sangkot sa nakawan noong 2002 sa isang jewelry shop sa Meycauayan, Bulacan na ikinasawi ng tatlong kagawad ng pulisya at isang traffic aide enforcer. (Ulat ni Efren Alcantara)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest