Mag-ina sinalpok ng jeep, patay

ALBAY – Maagang kinalawit ni kamatayan ang mag-ina makaraang masalpok ng pampasaherong dyip habang ang mga biktima ay naghihintay ng masasakyan sa Barangay Banao, Guinobatan, Albay kamakalawa ng hapon. Hindi na umabot pa ng buhay sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital ang mag-inang Maricel Suares, 27, kasalukuyang buntis at Shane Suares, 3, na kapwa residente ng nabanggit na barangay. Kasalukuyan namang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang drayber ng dyip (EVJ-308) na si Tobias Recierdo, 58, ng Barangay Camagong, Oas, Albay. Base sa ulat ng pulisya, naitala ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon matapos na umiwas ang dyip sa kasalubong na traysikel hanggang sa masalpok ang mag-ina na nakatayo sa gilid ng kalsada. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments