Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP-P10) Chief Lt. Col. Daniel Lucero, naganap ang pagpapasabog dakong alas-11:30 ng gabi sa harapan ng Minimart sa kahabaan ng Quezon Avenue ng nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na bago naganap ang pagsabog ay ilang kahina-hinalang kalalakihan ang nakitang umaaligid sa nasabing establisimyento.
Ilang saglit pa ay nakarinig ang mga tao sa lugar ng malakas na pagsabog mula sa isang improvised explosive device na itinanim sa harapan ng pintuan ng nasabing Minimart.
Sa lakas ng pagsabog ay nawasak ang pintuan ng Minimart kung saan ang insidente ay lumikha ng matinding tensiyon sa mga kustomer nito.
Ayon kay Lucero, extortion ang hinihinalang pangunahing motibo ng pagpapasabog dahil bago maganap ang insidente ay nakatanggap ang may-ari ng establisimyento ng extortion letter mula sa isang grupo ng mga elementong kriminal na aktibong kumikilos sa siyudad ng Cotabato.
Patuloy na isinaailalim sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang nangyaring pagpapasabog. (Ulat ni Joy Cantos)