2 dinukot na magkapatid na paslit nailigtas

Camp Crame – Dalawang bata na anak ng isang mayamang negosyante ang nailigtas ng mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) matapos na matunton ang hideout ng itinurong kidnaper sa isinagawang rescue operation sa lalawigan ng Romblon, ayon sa ulat kahapon.

Ang mga nasagip ay ang magkapatid na sina Christian Snow Guingoyon, 5-anyos at Chrizza Guingoyon, 4; pawang residente ng Calles St., Bangkal, Makati City. Ang mga ito ay kinidnap noong nakalipas na Hulyo 10, 2004 bandang alas-3 ng hapon.

Gayunman, nakatakas naman sa raid ang suspek na si Ernesto Pariñas, nasa hustong gulang dahil sa pakikialam ng mga kamag-anak nito kabilang ang isang hukom at ang mag-asawang sina Vicente at Emma Reyes, court employee, na humarang sa mga awtoridad.

Sinasabing ang mag-asawang Reyes ang lumapit sa isang hukom upang hindi maaresto ang itinuturong salarin.

Sa report, bandang alas-4 ng hapon bitbit ang warrant of arrest ay nilusob ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. 1, Romblon, Romblon matapos ituro ng isang tipster.

Gayunman, bagamat ligtas na nabawi ang magkapatid ay nakatakas naman ang suspek dahil sa panghihimasok ng huwes at ng mag-asawang Reyes. Kasalukuyan pang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang kaso. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments