Naaktuhang Naninikwat Ng Mga Kahon Ng Alak Holdaper todas sa barilan

CAMP CRAME – Isang notoryus na miyembro ng robbery/holdup gang ang napaslang habang isa namang pulis ang nasugatan sa naganap na shootout kamakalawa sa Arayat, Pampanga.

Kasalukuyan pang beneberipika ang pangalan ng holdaper at nakilala naman ang nasugatang tauhan ng Brgy. Police Action Team na mabilis na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan na si Jaime Gatchalian.

Batay sa ulat, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang magresponde ang mga kasapi ng Brgy. Police Action Team hinggil sa nagaganap na nakawan sa Brgy. Panlinlang, Arayat, Pampanga.

Huling-huli naman sa akto ang mga suspek habang inilululan ang mga kahon ng alak sa kanilang Isuzu jeepney na may plakang DGW 393 mula sa hauler truck CAB 876 ng San Miguel Beer.

Dito’y agad na nagkaroon nang pagpapalitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng ilang minuto at nagresulta sa pagkasawi ng isa sa mga suspek habang sugatan naman ang isang tauhan ng Brgy. Police Action Team.

Mabilis namang nakatakas ang lima pa sa kasamahan ng suspek na ngayo’y target ng hot pursuit operations ng mga awtoridad.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala ng 12 gauge shotgun, 12 basyo ng bala ng M1 carbine rifle, anim na basyo ng M16 rifle habang nasamsam naman sa follow-up operations ang get away vehicle na nasa pangalan ni Narciso Trinidad ng #392 San Joaquin Mabalacat, Pampanga. (Ni Joy Cantos)

Show comments