^

Probinsiya

18 bayan nilamon ng tubig-baha

-
LINGAYEN Pangasinan – Aabot sa labingwalong bayan at lungsod ang nilamon ng tubig-baha matapos na manalasa ang Bagyong Marce at Niña sa Pangasinan na nagresulta rin sa pagkawasak ng P15.7-milyong palaisdaan at P1.1-milyong pananim kahapon.

Ito ang naitala ng Provincial Disaster Coordinating Council na nilagdaan ng provincial legal officer na si Geraldine Baniqued at isinumite naman kay Secretary Avelino Cruz, chairman ng National Disaster Coordinating Council.

Ayon sa ulat, apektado ang 29,148 pamilya mula sa 432 barangay na ngayon ay lubog sa tubig-baha.

Walang anumang sasakyang ang maaaring bumagtas sa kahabaan ng lansangan na sakop ng Barangay Maningding sa Sta. Barbara, maging sa kahabaan ng Camiling sa Wawa, Bayambang.

Kabilang sa mga lansangang maaaring bagtasin ng malalaking sasakyan ay ang ruta patungo sa Lingayen, San Fabian, Mangaldan, Calasiao, Manaoag, Dagupan City, San Jacinto, Bugallon at bahagi ng Maharlika Highway sa Urdaneta City patungo sa Baguio City.

Nagpadala na ng limang traktora ang provincial engineering brigade para sa rescue operations sa mga munisipalidad ng Mabini, Bugallon, Manaoag, Basista at San Nicolas.

Iniulat din na nasawi ni Gilbert Aguilar Galliguez, 132, ng Barangay San Ramaon, Manaoag matapos na makuryente, habang nawawala naman si Julius Balangue, 20, ng Barangay Sto. Niño, Binalonan.

Samantalang, umaabot naman sa labinlimang barangay sa Tarlac ang lubog sa tubig-baha matapos na mawasak ang dike sa Panique, Tarlac, ayon sa ulat kahapon.

Kabilang sa matinding sinalanta ng tubig-baha ay ang mga Barangay Colibanbang, Pako, Rang-ayan, Dintinilya, Karinang, Kabayawasan, Salumage, Akukulaw, Tablan, Kayanga, Coral, Apulid, San Isidro, Poblacion Sur at Poblacion Norte.

Nailikas naman ang 2,500 pamilya kabilang na si Vice Mayor Joy Gilbert Lamorena at Ruperto Ian Monte na naipit ng 10-oras sa bubungan ng babuyan sa Barangay Nipaco.

Batay sa ulat, sina Lamorena at Monte kasama ang mga personnel ng Paniqui municipal disaster coordinating council ay nagpapalikas ng mga residenteng malapit sa Tarlac River nang gumuho ang dike sa Barangay Colibangbang.

Idineklara naman ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Tarlac ang state of calamity sa nasabing lalawigan.

Kasunod nito, tinatayang aabot sa P12-milyong panamin mula sa Benguet ang sinalanta na rin ng malakas na hangin at buhos ng ulan, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense.

Simula noong Lunes ay apektado na ang 45, 202 pamilya mula sa Benguet, Apayao at Baguio City.

Umaabot na sa kabuuang 61,576 pamilya o 315,518 katao ang apektado ng mga pagbaha sa may 761 barangays sa Regions I, II, III, IV, Cordillera Administrative Region at National Capital Region (NCR). (Ulat nina Eva Visperas at Joy Cantos)

BAGUIO CITY

BAGYONG MARCE

BARANGAY

BARANGAY COLIBANBANG

BARANGAY COLIBANGBANG

BARANGAY MANINGDING

BARANGAY NIPACO

BARANGAY SAN RAMAON

MANAOAG

TARLAC

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with