Bulacan, Pampanga at Bataan lubog sa baha

Umaabot sa 3,630 pamilya mula sa dalawang bayan sa Bataan at 4,000 naman sa Bulacan ang lubog sa tubig sanhi ng patuloy na pag-ulan simula pa kamakalawa.

Sa talaan ng Office of Civil Defense sa Bataan, aabot na sa 1,820 pamilya mula sa 10 barangay sa bayan ng Hermosa ang binaha, samantalang 1,810 pamilya naman o 8,296 katao mula sa 13 barangay sa bayan ng Dinalupihan ang lubog din sa tubig.

Kabilang sa mga barangay na apektado ng tubig-baha ay ang Almacin, Daungan, Saguing at Sabang sa bayan ng Hermosa. Samantala, sa Dinalupihan ay ang mga Barangay Layac, Sto. Niño, Pagalangan, New San Jose, at Pintor.

Naitala rin ng Bulacan Provincial Disaster Coordinating Council na apektado ang 4,000 pamilya mula sa 46 barangay sa Bulacan.

Ayon sa ulat, lubog ang mga bayan ng Bulacan, Obando, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Guiguinto, Malolos, Hogonoy at San Miguel.

Samantala, aabot naman sa 140 barangay sa Pampanga ang sinalanta ng tubig-baha hanggang kahapon.

Base sa ulat ng Pampanga Provincial Disaster Coordinating Council, kabilang sa bayan na lubog sa tubig-baha ay ang Sto. Tomas, Guagua, Apalit, Sosmuan, Arayat, Lubao, San Fernando, Macabebe, Mexico, Sta. Ana, Bacolor at Magalang.

Isinarado naman sa trapiko ang pangunahing lansangan sa Region 2, 3 at Cordillera Autonomous Region (CAR) ng Department of Public Works and Highway (DPWH). (Ulat nina Jonie Capalaran,Efren Alcantara at Resty Salvador)

Show comments