Base sa nakalap na ulat, ang toneladang basura na naiipon sa Caloocan, Valenzuela at Quezon City ay malayang naipapasok sa ginawang dumpsite sa bayan ng Obando, Marilao, Sta. Maria, Guiguinto, Hagonoy, Paombong, Calumpit at San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon sa ulat, isang malaking trucking company na may opisina sa Sta. Maria, Bulacan na pag-aari ng maimpluwensyang trader na may inisyal na C.H. ang nakakontrata sa tatlong lokal na pamahalaan upang humakot ng toneladang basura at itapon sa mga nasabing bayan.
Hindi naman nabatid sa ulat kung may pahintulot ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang ginawang dumpsite sa kanilang bayan.
Matapos na makarating sa kaalaman ni Bulacan Governor Josie dela Cruz ang nasabing isyu ay inatasan ang mga kinauukulang na masusing imbestigahan ang sinumang responsableng opisyal ng lokal na pamahalaan para panagutin. (Ulat ni Efren Alcantara)