3 magto-troso nasakote
July 19, 2004 | 12:00am
MARIVELES, Bataan Tatlong kalalakihan na pawang magsasaka ang dinakip ng mga awtoridad makaraang maaktuhang nagpuputol ng punongkahoy sa kabundukang bahagi ng Mt. View, Mariveles, Bataan kamakalawa. Pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina: Danilo Sonio, 45, ng Cordillera St. Mt. View; Roberto Sonio, 40, ng Sitio Bakery, Barangay Alas-Asin kapwa tubong Montalban, Rizal; at Ronnie Clamor, 39, ng Sitio Casoy Cabcaben. Ayon kay P/Supt. Elmer Macapagal, Bataan provincial director. Ang tatlo ay namataan ng mga nagpapatrolyang pulis at grupo ng Bantay-Gubat na namumutol ng malalaking puno gamit ang chainsaw. (Jonie Capalaran)
CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite Isang notoryus na tulak ng droga ang iniulat na nasawi makaraang makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Longos, Zapote 5, Bacoor, Cavite kamakalawa. Napatay sa insidente si Marlon Hernandez, samantalang nadakip naman si Rodolfo Hernandez matapos ang buy-bust operation dakong alas-3:50 ng hapon. Lumilitaw sa imbestigasyon, na namataan ni Marlon na pinoposasan ng mga awtoridad si Rodolfo. Nakipagpalitan ng putok si Marlon sa mga kagawad ng pulisya hanggang sa mapatay. (Cristina Timbang)
RODRIGUEZ, Rizal Matalim na kidlat ang kumitil sa buhay ng isang 60-anyos na lola habang nagsasarado ng bintana sa kusinang bahagi ng kanilang bahay sa Barangay Cambasi, Rodriguez, Rizal kahapon. Bandang alas-4:30 ng hapon ng bumuhos ang malakas na ulan kaya nagpasyang isara ng biktima ang kanilang bintana para hindi pasukin ng tubig-ulan ang bahay. Ayon sa anak na si Moises, sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang gumuhit ang matalim na kidlat at tinamaan sa mukha ang kanyang ina hanggang sa tuluyang mangitim dahil sa lakas ng boltaheng pumasok sa katawan. (Arnell Ozaeta)
Kasalukuyang nagtatago sa Indonesia ang isang notoryus na ilegal rekruter makaraang magpalabas ng warrant of arrest ang mababang korte ng Maynila dahil sa reklamong isinampa ng sampung sibilyan mula sa ibat ibang lalawigan. Base sa record ng korte, si Mona Lisa Nagaño ng Magallanes Village, Makati City ay sinampahan ng illegal recruitment at estafa ng sampu-katao dahil sa pangakong trabaho sa South Korea kapalit ng P50,000. Nakasaad din sa Criminal Case No. 04226804-14, Kinasabwat ni Nagaño ang isang Bombay na palsipikahin ang mga dokumento para angkinin ang isang agency na Jerphi Overseas Placement & Trading Corp. Dahil sa modus-operandi ng pamemeke ni Mona Lisa ay tuluyang naisara ang Livi International Agency. Ayon pa sa ulat, natuklasang nagtatatago sa Indon si Mona Lisa matapos na mag-register ang tawag sa telepono.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
By Tony Sandoval | 20 hours ago
By Doris Franche-Borja | 20 hours ago
By Jorge Hallare | 20 hours ago
Recommended