Magkapatid na kambal todas sa kidlat

CAMP AGUINALDO – Halos nagmistulang uling ang katawan ng tinedyer na kambal na babae matapos na tamaan ng kidlat sa Polangui, Albay, ayon sa ulat kahapon.

Ang bangkay ng mga biktimang kinilalang sina Norma at Normie Bucaat, 14-anyos, residente ng Brgy. Ilawad, Polangui ay halos hindi na makilala dahilan sa grabeng pagkasunog ng kanilang mga katawan.

Batay sa ulat, pasado alas-2 ng hapon habang ang mga biktima ay kasalukuyang nagbabantay ng mga alagang itik nang bigla na lamang dumagundong ang kulog at kasunod nito ay matalim na kidlat na sumapol sa katawan ng magkapatid na kambal.

Agad nagkikisay ang dalawang biktima at ilang saglit pa ay kapwa nangingitim ang mga katawang humandusay sa damuhan.

Nabigo na ang pagtatangkang maisalba pa ang buhay ng kambal sa takot na tamaan uli ng kidlat.

Nabatid pa na ang pag-aalaga ng itik ang tanging pinagkukunan ng ikabubuhay ng pamilya Bucaat at tumutulong lamang ang mga biktima sa kanilang mga magulang sa naturang hanapbuhay. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments