Mag-asawa pinatay dahil sa mana

CAMP CRAME — Naging mitsa ng buhay ng mag-asawa ang minanang lupain matapos pagbabarilin ng di pa nakilalang lalaki sa Cebu City kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang mag-asawang biktima na sina Reynaldo Lopez, 44 at Cristita, 42, na natadtad ng mga tama ng bala sa ulo at tiyan.

Ang bangkay ni Reynaldo ay nakita sa loob nang ipinatatayo nitong bahay, samantalang ang mga labi naman ng kanyang misis ay namataan may 15 metro ang layo mula sa kinalugmukan ng lalaki.

Sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-5 ng umaga sa Brgy. Cambinocot, Cebu City.

Masuwerte namang nakaligtas sa insidente ang 15-anyos na anak na lalaki ng mag-asawa na kinilalang si Gilbert matapos itong tumakbo.

Sa inisyal na pagsisiyasat, ang mag-asawa ay nabubuhay lamang sa pagbebenta ng uling at ang pamamaslang ay naganap ilang araw matapos silang magmana ng malaking lupain sa mga magulang ni Cristita.

Sa salaysay ni Gilbert, "narinig niya ang mga putok ng baril sa lugar kung saan pinaslang ang kanyang mga magulang," subalit sa matinding takot ay nagtatakbo sa takot na siya naman ang isunod ng salarin.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments