Ang 40-anyos na lumpo na si Padaca, mas kilala sa pangalang Grace, isang dating batikang broadcast journalist ay nakatakdang iproklama ng Comelec ngayon sa mismong Session Hall ng Comelec sa Intramuros, Manila.
Nauna rito, ay naghain ng petisyon for disqualification si Gov. Faustino Dy Jr., kasalukuyang gobernador ng lalawigang ito laban kay Padaca dahil sa di-umanoy pakikisabwatan ng batikang broadcaster sa mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) na sinasabing tumulong sa kanya (Padaca) noong panahon ng kampanya upang takutin ang mga residente at sirain ang pangalan ng pamilya Dy.
Bukod dito, hiniling din ni Dy ang pahintulot ng Comelec na buksan, bilangin at isali ang mga balota mula sa anim na bayan na unang prinotestahan naman ng grupo ni Padaca dahil sa di-umanoy may anomalya o pandaraya.
Naniniwala si Dy na ang 100,000 boto mula sa anim na bayan ang nagpanalo sa kanya dahil sa ang mga bayang ito ang kilalang balwarte ng kanyang pamilya.
Sa unang pahayag ni Gov. Dy, di pa tapos ang laban kasabay ang panawagan nito sa kanyang mga kababayan na huminahon at hintayin na lamang ang magiging resulta ng kanyang ipinaglalaban. (Ulat ni Victor Martin)