Brgy. secretary dinedo ng magnanakaw

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Nabaril at napatay ang isang barangay kalihim ng isa sa apat na maninikwat na pumasok sa bahay ng biktima sa Barangay Malibay, San Miguel, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.

Si Mafelindo Digman, 46, may asawa ay pinagbabaril makaraang makipag-agawan ng baril sa isa sa apat na maninikwat, samantalang ang asawa nitong si Anatalia ay nakaligtas naman sa naganap na insidente.

Dalawa sa apat na suspek na sina: Manuel Gatuz, brgy. tanod at Roberto Mandaus na kapwa may asawa ay kasalukuyang tinutugis ng pulisya.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya, pinasok ng mga mandurugas ang bahay ng pamilya Digman sa pagitan ng ala-una ng madaling-araw saka naghalughog sa mga aparador.

Ayon pa sa ulat, nagising ang biktima dahil sa kaluskos na likha ng mga magnanakaw kaya lumabas ito ng kanilang kuwarto upang mag-usisa.

Dito na nakipagbuno ang biktima sa isa sa suspek hanggang sa mabaril ng ilang ulit na ikinasawi nito. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments