Milyong kargamento hinaydyak

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Milyong pisong halaga ng assorted appliances ang iniulat na hinaydyak ng mga hindi kilalang armadong lalaki habang ang trak na kinalalagyan ng kargamento ay nakaparada sa gilid ng kalsada na sakop ng Barangay Camias, San Miguel, Bulacan kahapon ng madaling-araw.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4 ng madaling-araw nang iparada ang trak ng drayber na si Gerry Geralden kasama ang pahinante para maglagay ng tubig sa radiator.

Habang naglalagay ng tubig sa radiator ang drayber ay may tumigil na owner-type jeep sa kanilang harapan at kasabay nito ay bumaba ang pitong armadong kalalakihan.

Agad na pinaandar ng mga haydyaker ang trak patungo sa Maynila habang ibinaba naman ang drayber at pahinante sa liblib na bahagi ng Barangay Sumandig, San Ildefonso, Bulacan kaya naipagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya, na idi-deliver sana ang kargamentong pag-aari ni Roberto Sena ng Road 20, Pelaez St., Project 4, Quezon City sa Cauyan City, Isabela. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments