5 maninikwat dinakip
May 10, 2004 | 12:00am
IMUS, Cavite Lima-katao ang dinakip ng mga awtoridad makaraang maaktuhang nanikwat ng mga gamit sa malaking department store sa Barangay Habay 2, Bacoor, Cavite kamakalawa ng hapon. Kabilang sa dinakip na suspek ay nakilalang sina: Alma Flora Boyat, Sheradine Santiago, Maricel dela Cruz, Jane Paterno at Randy Bumaquil. Sa ulat ni SPO1 Rodolfo Arboleda, naaktuhan ang mga suspek na inilalagay ang mga nakulimbat na gamit sa sasakyang van na may plakang WCX-628. Wala naman maipakitang resibo ang mga suspek kaya dinampot ang lima at kinasuhan. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
BULACAN Pormal na sinampahan ng kaso ang isang opisyal ng Bulacan police medico-legal at sekretarya nito ng isang barangay tungkol sa paniningil ng halaga sa ginawang awtopsiya sa anak ng huli noong Agosto 28, 2001. Nahaharap sa kasong anti-graft and corruption ang akusadong si P/Senior Insp. Ivan Richard Viray at Girlie Cruz matapos na magreklamo sa prosecutors office si Ernesto dela Cruz ng Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan. Pinabulaanan naman ni Viray ang akusasyon ni Dela Cruz at nakahandang humarap sa alinmang korte. (Ulat ni Efren Alcantara)
LEGAZPI CITY Tinambangan at napatay ang dalawang kalalakihan kabilang na ang retiradong pulis ng mga hindi kilalang armadong lalaki habang ang mga biktima ay nakamotorsiklo sa kahabaan ng Sitio Kalubihan, Barangay San Isidro, Uson, Masbate kahapon ng umaga. Napuruhan ang mga biktimang sina Vicente Lleva, 52, ng Bagong Sirang, Masbate City at Efren Manangat, 27, ng Barangay Buenasuerte, Uson, Masbate. Nabatid na ang dalawa ay masugid na supporters ng hindi binanggit na kandidato ay kagagaling lamang sa kampo ng politiko para paghandaan ang nalalapit na halalan. May posibilidad na may bahid na politika ang naganap na pamamaslang at sinisilip din ang anggulong mga rebeldeng New Peoples Army ang nasa likod ng insidente. (Ulat ni Ed Casulla)
LEGAZPI CITY Dalawang kalalakihan ang iniulat na nasawi makaraang paluin ng bakal sa mukha ng mga nanloob sa bahay ng biktima sa Barangay Tinangis, Pili, Camarines Sur kahapon. Kinilala ng pulisya ang mga napatay na biktimang sina: Concepcion Lustia, 46; at Rene Kiac, 22, samantalang ang mga nasugatan na ngayon ay ginagamot sa Mother Siton Hospital sa Naga City ay sina: Antonio Lustia, 32; Genelyn Lustia, 39; at John Michael Dimapi, 14 na pawang residente ng nabanggit na barangay. Napag-alaman sa ulat ng pulisya, pinasok ang bahay ng mga biktima ng mga hindi kilalang magnanakaw bago isinagawa ang krimen. Bago nagsitakas ay tinangay pa ang mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng P150,000. (Ulat ni Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended