Pulis itinumba ng NPA hit squad

Camp Crame Binaril ng malapitan at napaslang ang isang pulis makaraang pagbabarilin ng tatlong armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng liquidation squad ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Compostella, Compostella Valley, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang nasawi na si PO2 Abangil Arcamo, nakatalaga sa Compostella Valley Provincial Police Office (PPO).

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na bandang alas-6:45 ng umaga nang magtungo ang mga suspek sa tahanan ng biktima sa Purok 5, Brgy. Lagab sa bayan ng Compostella kung saan ay nagpanggap ang mga itong bibili ng panabong na manok na negosyo ng biktima.

Walang sabi-sabing bigla na lamang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima habang nakatalikod hanggang sa bumulagta saka mabilis ang mga itong tumakas lulan ng motorsiklong walang plaka patungo sa hindi pa mabatid na direksiyon.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 45 caliber pistol na ginamit sa pamamaslang at isang Colt Mark IV cal 45 pistol na may lamang mga bala na pag-aari ng biktima. Iniimbestigahan pa ang motibo ng krimen. (Angie de la Cruz)

Show comments