Hepe ng pulis-trapik,itinumba habang nagta-trapik

ANGONO, Rizal – Napatay ang hepe ng traffic police at isa pang vendor na nakasaksi sa insidente makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang lalaki habang ang mga biktima ay nasa harapan ng palengke sa Barangay San Pedro ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Angono General Hospital ang mga biktimang sina SPO2 Felix Belano, 43, hepe ng traffic division ng Angono police at Domingo Capistrano, vendor, Brgy. San Juan, ng bayang ito.

Agad namang tumakas ang dalawang mamamatay-tao matapos isagawa ang krimen.

Ayon kay SPO2 Pablo Medina, may hawak ng kaso, kasalukuyang nangangasiwa ng trapiko si SPO2 Belano sa kahabaan ng M.L. Quezon Ave., Brgy. San Pedro, dakong alas-7:10 ng gabi nang lapitan ito ng isa sa gunmen saka malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo habang nakatalikod ang una.

Idinamay din nito si Capistrano na katabi lang ng pulis habang nagtitinda ang sigarilyo at binaril din sa dibdib.

Matapos ang pamamaril ay kinuha nito ang service firearm ni Belano at agad na nagtungo sa isang naghihintay na kulay puting kotse bago tumakas.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa agarang pagkakaaresto ng mga killer. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments