Hindi nabatid na bilang ng bala ng malalakas na kalibre ng baril ang tumama sa katawan ng mga biktimang sina Barangay Chairman Antonio de Vera Torio, 49 at Ferdinand Reyes, 28, kasapi ng Civilian Volunteer Organization at kapwa residente ng Barangay Bacnar.
Base sa impormasyon nakalap ng pulisya, huling namataan ang mga biktima na bumisita sa barangay carnaval (peryahan) at barangay hall para mag-check ng mga tanod na naka-duty.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ay 36 basyo ng M16 at 12 pirasong basyo ng bala ng carbine.
Kasalukuyan naman sinisilip ng pulisya ang anggulong paghihiganti dahil sa bago pa maging opisyal ng barangay si Torio ay naging lider ito ng grupong maninikwat ng alagang baka.
Ayon sa police source na tumangging magpakilala, noong 2000 ay nakaligtas sa pananambang si Torio habang pumapasok sa pintuan ng kanyang bahay at pinaghinalaan naman si Gil Bulatao na kasapi rin ng sindikato.
Noong 2001 napatay si Bulatao kaya pinaghinalaan naman ng mga kaanak nito na si Torio ang nasa likod ng pagpaslang kaya sinisilip ng pulisya na ang kasalukuyang krimen ay paghihiganti ang pangunahing motibo.
Hindi naman isinasaisantabi ng pulisya ang anggulong politika dahil nagkataong nalalapit na ang halalan at si Torio kasama ang kanyang pamilya at kaanak ay masugid na suporter ng kandidatong alkalde na ngayon ay vice mayor na si Harry Cagampan at ang magiging katungali ay ang kasalukuyang mayor na si Jolly Resuello. (Ulat ni Eva Visperas)