Ex-chief ng 501st CIDG, 5 pa tugis

CAMARINES NORTE–Pinaghahanap ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang dating hepe ng 501st Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang lima pang mga tauhan nito makaraang sampahan ng kasong kriminal ng isang Chinese-Filipino trader matapos pagbabarilin ng mga ito ang anak ng nasabing trader kamakailan.

Batay sa ulat, sina P/Insp. Nelson Llaneta, dating hepe ng CIDG Camarines Norte at SPO1 Roel Averilla ay inaatasan ng hukuman na magbayad bawat isa sa kanila ng P180,000 bilang bail bond, samantalang sina PO1 Santos Jose Mora, Jayson Bacerdo at dalawa pang pulis na hindi nakukuha ang mga pangalan ay pinagbabayad naman bawat isa ng P100,000.

Nabatid na kamakalawa ay inilabas na ni Judge Ramon Arejola ng Daet Municipal Trial Court ang warrant of arrest laban sa mga nabanggit na suspek sa kasong frustrated murder.

Batay sa rekord ng pulisya, noong Disyembre 2003 ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng grupo ng CIDG at ng biktimang si Mark Paul Yang, 30-anyos, engineer dahil sa trapiko sa isang kalye sa nabanggit na lugar.

Ilang minuto umano matapos na magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng grupo ng CIDG at ng biktima ay hinabol ng grupo ni Llaneta ang huli na noon ay lulan ng kanyang sasakyang Revo kung saan pagsapit ng biktima sa harapan ng kanyang bahay sa Magallanes St., Daet, Camarines Norte ay pinaulanan nila ito ng putok sanhi upang masugatan ang biktima sa kanyang braso at hita. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments